Wednesday, August 3, 2011

Dapit Hapon

Sa bawat pagdilat ng ating mga mata sa malalim na pagkakahimbing, isang pahina ng ating buhay ang unti-unting nalalagas. Sa ayaw mo man o sa gusto lahat ng nilalang sa mundo ang kahihitnan ay ang kanyang pinangangambahang "Dapit Hapon". May kasabihang hanggang maaga ikaw ay maging masinop sa bawat kikatain,
ilagay sa wasto ang walang pakundangang pag-gastos, hinde sa habang panahon ay mananatiling malakas ang iyong pangangatawan, sa edad ng 20 años, dito na nag-sisimula ang iyong pagiging mapusok at mapag-subok sa lahat ng mga bagay na iyong nakikita, lahat ay ninanais mong makamtan, hahamakin ang lahat makamtan lamang ang ninanais, maging mga pinakamamahal na magulang ay iyong sinusuway, maging maligaya ka lamang sa piling ng iyong mga barkada. Sa edad na 30 años, dito na mga sisimula ang mga pangarap mo sa iyong buhay na nawa ay maging isa ka sa mga sikat o di kaya ay maging isang punong mabunga na tinitingala ng balana, lahat ay hahamakin maging ang iyong katrabaho makamtan mo lamang ang iyong minimithing pangarap, nakalulungkot ngunit katotohanan, ating balikan, ang una ay ang pagsuway sa iyong mga magulang, pangalawa ang pag tampalasan mo sa iyong katrabaho, sa edad ng 40 años, eto na ang takdang panahon ng iyong pag-ilanglang, ang hinde mapigil na pagsikat, nakamtan mo na ang iyong pinaka mimithi, ang katanyagan, salapi at kapangyarihan, ngunit di mo alintana ang pag-gupo ng iyon katawan at paghina ng iyong pananalig sa ating Poong Maylikha, masakit mang animin ngunit pawang katotohanan, sa dinami-dami ng mga taong naging matagumpay sa kanilang minimithi, kadalasan ay salat sa tunay na pag mamahal. Katotohanang pina-kikitaan ka sa dahilang ikaw ay kanilang kinakailangan, na ikaw ay may mahalagang misyon na gagampanan para sa ikatatanyang ng iyong pina-ngangamuhan. Pina-kikitaan ka ng pag-mamahal sa dahilang kailangan pa nila ng iyong salapi, ng iyong pag-gabay. Subalit ang pawang katotohanan ay hinde nasa sa puso, bagkus nasa iyong kakayahan. Malinaw pa sa tubig ng batis na ang lahat ay panandaliaan lamang, darating ka rin sa puntong ikaw ay ipag-tutulakan, kukutyain, pag tatawanan, lalaitin, ang lahat ng yan ay dahilan sa iyong pag-kagahaman sa tagumpay. Ang ating Mahal na Panginoon namuhay ng marangal, ng mababang uri, walang yaman, salat sa pananalapi, walang magarang tahanan at magarang sasakyan, taliwas na taliwas sa ating mga pagkatao. Sa pag dating ng iyong dapit hapon, eto na ang panahon na hinihintay ng lahat ng mga nabubuhay sa mundo, sa bawat katanungan - nagampanan ko ba ang iniatas ng tungkulin sa akin, marahil iisa ang kasagutan. Isang masakit na sumpa sa bawat nabubuhay sa mundo, sumpang kaakibat ang pagiging mahina at sagabal. Pabigat na dalahin sapagkat umaasa na lamang sa benepisyong matatanggap, at kung ano-ano pa! Hinde na pinahalagahan ang kayang naibahagi sa pag-unlad, sadyang napakalupit ng kapalaran. Sa puntong ito iisa lang ang masasabi ko ikaw, ako, maging sino ka man darating at darating ka sa dapit hapon ng iyong buhay.

samot-sari;
Bawat nilalang sa mundo ay may kanya-kanyang talino at kakayahan. Maging sino ka man, manggagawa o mataas na opisyal ng gobyerno o ang pinakamatalinong nilalang, ang mahalaga ay may pinagkatandaan ka ba? Madali ang maging tao sa mundo subalit mahirap ang magpakatao.

Monday, July 11, 2011

Ugaling Pilipino - ugaling asal.

Isang kasabihang bukang bibig ninoman, sa mga nagdaang panahon, maging ang mga kinikilalang bayani ay nagtaksil sa kapwa nya pilipino, mga samot-saring usapan, mga kaganapang nanyari kina Apolinario Mabini, kay Gat. Andres Bonifacio, sila ay mga biktima ng masamang kaugaliang pilipino.
Maging sa makabagong panahon, kasa-kasama pa rin ang nakaririmarim na ugaling pilipino, ang pagiging mapag-imbot, makalamang at ang makapandaya! Sa katabing bahay, sa kabiyak ng may kabiyak, kapatid sa kapatid, sabihin na natin maging sa mga pampubliko at pribadaong tanggapan ay may mga kaganapan ding nanyayari, mga paninira sa kapwa katrabaho, mga tsismosa at tsismosong kapitbahay, ang mga kumakaliwang mga kabiyak na haligi at ilaw ng tahanan, bagkus di alintana ang sama na dulot ng nasabing trahedya, na ang mga anak, magulang ang mag-sasakripisyo at biktima ng mga kahayopan at mapag-husgang dila at mata ng lipunan. Maging sa ibayong dagat naroon ang pagtataksil sa kapwa pilipino ng dahil lamang sa nag-aalimpuyong pag-iimbot, hahamakin ang lahat mapabuti lamang ang katayuan, maging buhay man ang ibuwis. Dangan kilala ang pilipino sa pagiging madasalin, maka-Diyos, sa kagandahang asal, kagalangan at ang pagiging masunurin sa batas, subalit kabaligtaran sa sariling bansang sinilangan, lahat ng kasalaulaan ay nanyayari sa sariling bayan, subalit pag nasa ibayong dagat lubos-lubos ang pag-galang sa bandila at mga alintutunin at batas ng nasabing banayagang bansa, ugaling pilipino-ugaling asal! napaksamang pakinggan subalit totoong nanyayari. Ang pag lapastangan sa sariling bansa ng kapwa pilipino, mga nilalang na hinde makapanamit o makapagsuot ng anumang kasoutan kung hinde rin lang galing sa bansang banyaga, naroon ang labis-labis na pag-galang kung ang tao ay nabibilang sa matataas na lipunan o nakakarangyan sa buhay, naroong hinde pagbuksan ng pinto kung ang papasok ay isang hamak na tindera ng bibingka at suman lamang, naroon ang hinde pagkalooban ng mauupuan ang mga matatanda at may kalong na bata sa mga pampublikong sasakyan, nasaan na kagandahang asal na ating natutunan sa paaralan, marahil ay naiwan sa paaralang pinanggalingan, sayang! Sa panahong ito, atin ng inaani ang kasuklam-suklam na anyo ng henerasyong ating pinaggalingan, henerasyong ating kinagisnan, henerasyong nagbigay ng maling paniniwala sa makabagong hinaharap, ang kumita ng limpak-limpak na salapi. Maging mga diyakulo, pari, obispo ay dawit sa tukso ng salapi, wala na ba tayong puring maipagmamalaki, kungdi ang ugaling pilipino na ugaling asal? Ganyan mo ba nais na ikaw ay maalala at makilala sa iyong pag-panaw sa mundo? tsk! tsk! tsk!

Samutsari:
Manyaring ating isabuhay ang simpleng paniniwala na ating kinalakhan, ang pagbibigay galang sa bawat nilalang sa mundo, maging tao, hayop, halaman at kalikasan, mga biyayang kaloob ng Poong Maylikha, dangay ating pagyamanin! Ang banal na paniniwala ay mag bubunga ng kagandahang asal at hinde ang paghahangad ng salapi. Isapuso, na tayo ay panandalian lamang sa mundong ibabaw, anomang bagay at yaman ay ating iiwan sa susunod na henerasyon kasama na ang kagandahang asal at hinde ang tinatawag na ugaling asal!

Wednesday, June 8, 2011

Sunod ka ba sa uso?


Nandito nanaman ako, tag ulan na nanaman, agawan nanaman sa sasakyan, baha doon, baha dito, pati kalikasan lalo na dito sa Pilipinas ay nakikiuso na rin, bakit? di ba meron na rin tayong Buhawi, na kadalasay inyo lang maririnig sa bansang banyaga lamang, ang Pilipinas mas kilala sa Baha at pag-guho ng lupa, o di kaya'y Red Tide at ang pinaka nakapandidiri ay ang kurapsyon! Lumagay na lamang tayo sa simpling mamayan, sa mga pampublikong sasakyan, mahirap, nagmamaya-mayamanan, ang sososyal-sosyalan, estudyante, may napapasin ba kayo? halimbawa sa isang airconditi0ned na sasakyan, bigla-bigla ay inyong maamoy ang di maipaliwanag na amoy na parang nabubulok na prutas o maalisangsang na amoy, eto ang tinatawag na hand sanitizer, may dahilan bakit kanyo, ito ay ang dahilan sa pera! sadyang mga ipokrito ang mga tao ngayon, nandidiri kunwari sa pera, ang pera daw ay marumi, nanggagaling ng palengke, ng funeraria, ng sugalan, at gobyerno, pero saan ba ang punta ng mga tao, saan pa kundi ang mag-hanap buhay upang kumita ng pera para sa ika-bubuhay, pambili ng makakain, pang bayad matrikula, para sa pambaon sa eskwelahan ni anak, ni kuya, ni ate, ni bunso at ni papa, pambayad ng renta sa bahay, pambayad ng utang (credit card) at higit sa lahat pambili ng hand sanitizer na isasabit sa bag at hand bag para hindi mawala sa uso! ikaw may nakasabit na rin ba sa bag mo? kung wala pa, bili na para di ka napagiiwanan sa kalukuhan.

samut-sari: Ang mabuhay ng simple ay kayamanan na, hindi na kinakailangang pang sunod sa uso o nababahala sa sasabihin ng iba, manapay sundin ang kalooban.

:)