Wednesday, June 30, 2010

Ngayon ika-1 ng Hulyo, 2010


Kay tamis na Ala-ala.

Eto kami noon, ang kumpanyang kung tawagin ay ikalawang pamilya. Napakasaya! Kahapong kay-inam! Nakalulungkot isipin na ang ilan sa amin ay pumanaw na.

Sa darating na ika-26 ng Hulyo,Lunes, aming gugunitain ang ika-10 taong anibersaryo ng kamatayan ng aming dating pinuno, Mr. Antonio Roa Mercado. Magkakaroon ng pag-aalay ng banal na misa sa parokya ni San Antonio de Padua, lungsod ng Makati. Susundan ng isang salo-salo sa naturang ding lungsod at lugar - Polo club.

Tunay na madalisay at matimyas ang pagsasamahan ng bawat isa sa amin na walang halong pag-iimbot. Basic Motivators, Inc. Isa ka na lang masayang alaala ng kahapon.

Ginintuang kasabihan: Ang kasalukuyan ang umuukit para sa iyong kahapon. Ang kahapon ay alala na lamang ng iyong lumipas.

Isang tasang kape, sukatan ng kaunting kaligayahan. Sa bawat paglagok gumuguhit ang linamnam ng bawat butil na kinatas at sumasamyo sa bawat himaymay ng ating kamalayan.

Tuesday, June 29, 2010

Ngayon ika-29 ng Hunyo 2010

Ang Salat-wikain at mga kasa-bihang pilipino.

Mula ng ako'y magkaisip, hanggang inabot ko na ang edad kong eto, marami-rami na rin akong nabasang salawikaing pilipino, subalit kung atin nanam-namin ang bawat kataga ay hinde na naangkop sa kapanahunan ngayon. Naririto ang ilan sa mga salawikaing pilipino na tinaguriang "salat-wikain at kasa-bihang pinoy!".

1. Pag sinabing ako ang nag-saing, at iba ang kumain, magagalit ka ba? halimbawa kung ang nanay mo ang kumain, o ang tatay mo, o ang mga kapatid mo? Magagalit ka ba?

2. Pagka-haba-haba man daw ng prusisyon, prusisyon pa rin at mahaba pa rin! Kaya nga tinawag na prusisyon eh!

3. Bato-bato sa langit ang tamaan daw ay pangit! Pangit nga ba?

4. Bakit kailangang kalusin pag puno na ang salop? pwede namang kilohin di ba?

5. Mala-palasyo man ang tahanan ang nakatira naman ay kwago! Pwede na rin, kadalasan ang nakatira ay unggoy o buwaya!

6. Bakit parati na lang sinasabing "anak sa labas!" Meron bang anak sa loob?

7. Ang larong luksong baka, ay pang baka lang ba? Paano na ang kambing? Ang kabayo?

8. Paanong naging matalas ang dila, gayong pag-kalambot-labot neto? Di ba mas matalas pa ang blade at labaha?

9. Bakit pa parati nalang nating sinasabing ibaon mo na lang sa limot? Pwede namang ilagay sa kahon o di kaya sa bote?

10. Gaano ba talaga kalalim ang gabi, pag sinasabing lumalalim na ang gabi?

11. Bakit dumarami ang mandurokot? Dahilan ba sa kasabihang, pag may isinuksok ay may dudukutin? kadalasan ibang tao ang dumudukot!

12 . Pwede bang gamitin ang Credit Card , sa utang na loob?

13. Mauubusan ba ng isip ang tao pag sinabing, di ko maubos maisip?

14. Bakit na lang kalimitang sinasabing itaga mo sa bato? Gayong pwede na namang sa kahot o sa damo mo itaga ang itak mo, mag maganda kung sa kalaban mo itataga!

15 . Gaano ba talaga kabilis ang oras, pag sinasabing ang bilis naman ng oras! di ba Bente kwatro oras lang ang isang araw?

16. Totoo bang dumadalaw ang antok? Nagmumulto din, ganoon?

17. Gaano ba talaga katamis ang pag-ibig? Mas matamis pa ba sa asukal? Sa pulot?

18. Paanong naging bahagi ng tao ang Pulo't gata? ang pulot ay matamis, ang gata ay katas ng matandang niyog, anong kaugnayan nyan sa bagong kasal? Saan ba nanggaling ang salitang Pulo't gata para sa magsing-irog?

19 . Gaano ba talaga kaputi ang busilak? Mas maputi pa ba sa puti?

20. Bakit ba parating nakikita mo ang muta ng iba, gayong ang muta mo na nasa sarili mong mata ay hindi mo matanaw?

21. Bakit ba parati nalang nating sinasabing " Parang natutulog lang!" Gayong alam naman ng lahat na sya ay pumanaw na at nasa loob ng ataul.

22. Bakit kailangang tanungin mo pa ang tao na kung kumain na sya? Syempre ang sagot "Oo" kahit sa totoo lang hinde pa kumakain! bakit nga ba?

23. Bakit kailangang tawaging "white lie" ang kasinungalingan na pinag-kaisahan ng iilan gayong alam naman nating kasinungalingan din naman? Mabuting sinungaling? aww! Bakit meron bang green lie, red lie, violet lie! Ay naku sinungaling pa rin!

24. Bakit ba paratin na lang nating naririnig ang salitang " inaapoy ng lagnat!" nagliliyab ba sya? nakapapaso ba sya?

25. Bakit ba parati nalang nating naririnig na syam daw ang buhay ng pusa, gayong nag-iisa lang naman sya?

26. Bakit kailangang bumusina pag ikaw naparaan sa kampo santo? May tumatawid ba na patay?

27. Pag naulan at naaraw may ikinakasal daw ng kapre at tikbalang! Di ba sa gabi lang sila lumalabas? May pari at huwes din ba sila?

28. Bakit kailangang mamaluktok kung maiksi ang kumot? Patayin mo lang ang aircon at electric fan, nakatipid ka pa sa kuryente!

29. Gaano ba talaga kasakit kapag-inabot ka ng pagkagat ng dilim? Nakagat ka na ba ng dilim?

30. Gaano ba katotoo na "ang hinde daw lumingon sa pinanggalingan, ay hinde daw makakarating sa paroonan!" Ay totoo yan, kasi nabangga sya ng kotse, kasi lingon ng lingon sya sa pinanggalingan nya!

31. Ano ba talaga ang manyayari pag inabot ka ng siyam-siyam?

32. Gaano ba talaga kabilis ang sinasabing " mabilis pa sa alas kwatro!" Sing tulin ba sya ng Train?

33. Anong uri ng panulat ang ginagamit pag sinabing " Ilista mo na lang sa tubig!"

34. Totoo bang matagal mamatay ang masamang damo? Di isang bunutan lang patay na!

35. Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo? Di ba pwede namang ipakain sa baka. kalabaw, kambing o kuneho yong damo?

36." Kapag sarado ang pinto, kahit kumatok ka, hinde ka welcome!
Kung bukas ang pinto pwede kang pumasok, kaya lang walang mag e-entertain sa iyo, kasi masama kang tao! Alam mo na yan kung sino ka!

37. Bakit ba parati na lang nating sinasabi sa babaeng nangangaliwa na " naglalaro yan ng apoy", gayong hinde naman apoy ang nilalaro nya. sssshhhhh! bawal yan!

38 . Kung ano daw ang iyong itinanim, ay sya mong aanihin! Natural, kung palay, palay ang aanihin! Kung Mangga mamumunga ng mangga! Kung pera, wala! Hinde naman natubo ang pera di ba?

39. Bakit sinasabing anino mo, hila mo! e hindi naman natin hinihila ang anino natin di ba? kusa syang nasunod! mabaiit ang anino mo!

40 . Bakit sinasabing "Ano mang pait ng karanasan, syang tamis ng kinabukasan!" hinde naman totoo, mapait pa rin kinabukasan ang ampalaya!

41. Bakit sinasabing habang nasusugatan, ay lalong tumatapang! Sa dinami-dami kong nakitang aksidente lahat ng nasugatan pinanghihinaan ng loob, hinde pala totoo ang kasabihan!

42. Nasa kabataan daw ang pag-asa ng bayan? MALI! Di ba nasa pagpapalaki ng magulang ang pag-asa ng kinabukasan! ang daming bata sa kalye nandudukot na at pumapatay!

Mga samot-sari kasabihan na kung ating nanam-namin ang iba kakaiba na ang kahulugan sa hinaharap. Mga kasabihang nag bigay kulay sa maganda at kay yamang kahapon, sa mga hinerasyong nag-salin lahi, mga kasabihang nagiging iba na ang kahulugan. Manyaring magkaroon ng ibang uri ng kasabihan na naaangkop sa kasalukuyang pamumuhay.
Hinde masama ang mabuhay sa matandang kaugalian, huwag lang padadala sa matandang nakagawian.

Ginintuaang kasabihan: Ang tao ay nabubuhay sa pang araw-araw ng pakiki-pagsapalaran.
Huwag lang tayo makalilimot, lingid sa atin na may isang nakakakita sa atin sa araw-araw, ang Poong Maylikha! Isa-puso natin, isa-buhay natin ang ating pananampalataya. Huwag iasa sa mga kasabihan at pamahiin na kay tagal ng namayani sa henerasyon.

Tulad ng isang tasang kape, kadalsa'y salat sa tamis, salat sa lasa, nahahalintulad sa buhay ng isang tao.




Friday, June 25, 2010

Ngayon, ika-25, hunyo 2010



Ang katrabaho.

Minsan gusto man nating makatulong, bakit may mga taong hinde mo maintindihan ang mga pag-uugali? Tulad na lang noong nakaraang taon, panahon ni "Ondoy" hinde lingid sa kalaman ng lahat na marami-rami din ang naging biktima, huwag na tayong lumayo pa, sa aming tanggapan, may ilan na naging biktima ng nasabing trahedya.

Sa pagmamagandang loob ng isa naming ka-opisina, sya ay bumuo ng lupon na magtatatawag sa mga kasamahan namin na sa aming pag-kakaalam ay naging biktima rin sila ng mapaminsalang baha ni Ondoy, ng sa gayon ay malaman ng aming tanggapan kanilang kalagayan. Ako ang syang naatasang mag-padala ng mga mensahe sa pamamagitan ng text messaging sa aming departamento, akin silang inisa-isang padalhan ng mensahe at 99% ay nag -sipag tugon sa nasabing mensahe, subalit ang nag-iisang ito na di ko mawari kung ano ang ibig ipahiwatig ni ha at ni ho ay wala man lang tugon. Aking pinag-bigay alam sa aming namumuno at ito ay kanyang ikinabahala! Pinasubukang tawagan at ipinakausap sa isa sa mga ka grupo nya trabaho. Matagumpay namang natawagan at nakausap, maayos naman daw sya at hinde sila napasok ng baha na dulot ni Ondoy. Napakapalad nya at mataas ang kinalalagyan ng kanilang tahanan, kwidaw ka, minsan isang araw tahanan mo naman hahagupitin, upang ipalasap sa iyo ang iyong kahambugan. Ang dahilan ng kanyang walang pagtugon - (low bat na raw kaya di nya magawang tumugon sa mga text message, mas nakayanan ng bateriya ng kanyang celfon ang tawag kaysa sa text message, ganoon? Maliwanag na ayaw nya sa akin at namimili sya ng kakausapin at tutugunan).

Pagkaraan ang ilang araw, ang nasabing taong ito ay pumasok na at pawang pabala't kayo at kabulaanan lamang ang hatid na paliwanag, minabuti pa nyang basahin ang aming talaan sa pag aakalang gawa-gawa lamang ang nasabing hakbang at kitang-kita nya ang kanyang ngalan. Hinde na kailangan ang iyong paliwanag, nakaraan na yon! Tapos na! Tuwirang nabastos mo na ang lupon! Hinde ko naman din ninais na ako ang maatasan sa gawaing yaon, bagkus buong puso kong tinanggap at ginampanan, alang-alang sa mga kasamahan kong naging biktima! At hindi ko rin nanaisin na manatili sa aking celfon ang numero mo sayang lang ang espasyo, may mas karapat-dapat at hinde rin naman ako interesado sa iyo.

Sa ngayon, hinde ko maipaliwanag ang akin nararamdaman, sa totoo lang ang tingin ko sa kanya isang MALAKING PLASTIK! PLASTIK MAN yeahhhh! Mapag-balatkayo! Bulaan! Marahil hinde na muli pang maibabalik ang dating pakikitungo. Maging pagbati ay hinde nararapat, sayang lamang ang aking laway! Tanging pag-iwas na lamang sa araw-araw ang nararapat! Mayaman daw kasi ang nasabing kawani, kaya hinde nya kailan man kailangan ng tulong na mang-gagaling sa kanyang mga ka-opisina.

Kahit ilang Ondoy man ang dumating sa ating buhay, mananatili pa rin sa amin, sa akin ang pag-tulong sa kapwa sa abot ng aming makakaya. Maraming Salamat St. Francis of Assisi!

Ginintuang pananaw: " Hinde kailan man dapat pang-hinayangan ang walang kwentang tao, paglahuan ng lakas ng dahil lamang sa iisa, mas kailangan ka ng mas nakararami. Ang yaman, sa isang kisap-mata'y dagliang maglalaho, manapay 'wag iwaglit sa isipan na ang buhay sa mundo ay panandalian lamang. Ang Mahalaga ay kung ano ang iyong nagawa at ginawa mo sa kapwa mo. Maging mabuti man o masama tiyak na mag-iiwan ng bakas sa iyong pagkatao.

Sa araw na ito hinde kape ang aking hinihigop, may isang mabait na kaluluwang nag-bigay unlak sa akin ng isang puswelong masarap na tsaa, mula sa isang kilalang kapehan dito sa lungsod ng Makati - Ang Starbucks!

Napakasarap talaga ng galing sa puso! Mabuhay ka Anthony Lim!
Nababanaag sa iyong mukha ang ginintuan mong kalooban. Magparami ka ng lahi!




Thursday, June 24, 2010

Ngayon ika 24 ng Hunyo 2010


San Juan Bautista

Kapistahan ngayon ng Patron San Juan Bautista. Basaan ngayon, lalo na sa parteng San Juan kung saan ay kanilang ipinagdiriwang ang nasabing tradition ( hinde ang Patron). Ang mambasa ng kapwa nila ang sinasabing tradisyon.

Eh ano sa kanila kung papasok ka ng iyon tanggapan, basta ang sa kanila ay ang makaperhuwisyo ng kanilang kapwa. Ganyan ba talaga ang henerasyon ngayon? Anong uri ng pananampalataya ang meron sa pamba-basa?

Mabalik tayo sa nakaraan, di naman natin masasabing nag-pabaya ang mga magulang natin sa mga magagandang paalala na masama ito, huwag mong gagawin sa kapwa mo. O di kaya gawa na marahil ito ng impluwensya ng barkadahan. Na magaling ka at matapang ka, na hinde ka bading kung maka-pambasa ka ng taong papasok sa eskwela o sa trabaho.

Masamang halimbawa sa mga kabataan na kung ano ang nakikita nila sa ginagawa ng nakatatanda ay syang tumitimo sa kanilang mga murang utak at pag-iisip na hanggang sa kanilang paglaki ay itutuloy ang nalagawiang baluktot at katarantaduhang tradisyon. Sana naman gamitin naman natin ng wasto ang mga kokote natin, simpleng sentido kumon!

Sa panahong ito kung inyong mamarapatin lang naman, huwag naman natin daanin sa baluktot na tradisyon ang ating pananampalataya, hinde naman natatala sa bibliya na MAMBASA ka ng kapwa mo tao, kapagsumasapit ang kapistahan ng Dakilang San Juan Bautista! Naku kung nabubuhay pa sya sa panahong ito, sa palagay ba ninyo matutuwa sya? Na sana naman, ang simbahang katoliko ang manguna sa pag-saway sa baluktot at katarantaduhang tradisyong ito. Ako lumaki akong katoliko, na mag-pahanggang ngayon, nasa sa puso ko at isinasabuhay ang aking relihiyon, at hinde sa tradisyon! Teka hihogop muna ako ng kape, ayan masarap talaga ang malabnaw na kape!

Mga kaparian, mga madre, mga maestra, mga padre at madre de pamilya, hubugin nyo naman ng wasto ang pananampalataya ng inyong mga nasasakupan, upang sa gayon sa mga darating na henerasyon ay magkaroon na tayo ng tama at wastong pananampalataya at hinde ang mga baluktot at tradisyong walang kakwenta-kwenta!
Aantayin pa ba nating ang maging biktima ang pamilya o kaanak ninyo?
Matutuwa ba kayo kung kayo mismo ang babasain?
Kayong mga pari, kung buhusan kaya kayo ng tubig bago kayo magmisa matutuwa ba kayo? Kayong mga magulang, kung buhusan kaya kayo ng tubig ng inyong mga kapitbahay at kaibigan mahihiligan ba ninyo?

Kaya eto ang sa akin, ang ginintuang kasabihan - "Huwag mong gagawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo!"

O hala tara na mag-kape tayo!

Tuesday, June 22, 2010

Ngayon ika 23 ng Hunyo

Magandang Umaga!

Katatapos ko pa lang mag-kape! Kape nga bang maituturing? Tubig na may kulay at kulang sa tamis, ganyan daw talaga pag matanda ka na! Para lang makatikim kahit pahapyaw na lasa nanaisin mo na rin. Ngayon umaga balik gawain dito sa aming tanggapan, ay syanga pala nasa kagawaran ako ng palatastas. Kami nga pala ang gumagawa ng mga palatastas sa telebisyon, sa radyo at peryodiko. Sa dating gawi, sa aking itim na kompyuter (sensya na ha wala kasing tamang salitang tagalog sa computer) ayun, namumutiktik na nanaman sa e-meyl! Sa tinatawag na basecamp, ah eto yong bagong software na pina-iiral ngayon dito sa aming tanggapan. Mga trabaho ng galing sa aming mga parokyano/kliyente, ang walang katapusang pag-uulit sa mga gawaing di naman namin malirik kung ano talaga ang nasasa damdamin nila! Gayon paman eto paulit-ulit nalang naming ginagawa, pinalalakihan ang mga kung ano-ano, ganyan daw talaga pag nasa industriya ka ng pagpapahayag. Manawari'y matapos na magta-tatlong linggo na naming ginagawa matapos na sana sya! Apurahang ginawa, ayun magtatlong linggo na ring paulit-ulit.

Paulit-ulit! Paulit-ulit! Paulit-ulit!

Makahigop nga uli ng kape!

Ngayon



Natapos na naman ang isang yugto sa buhay ng mga tao, gabi nanaman, bukas sisikat muli ang araw, pero di natin alam kung bukas, sa makalawa o sa susunod na linggo ay gigising pa tayo, salamat sa poong Maykapal na kahit papaano ay naiiraraos ang buhay natin, sa araw na ito naka dalawang puswelo ako ng malabnaw na kape, matabang sa tamis pero kahit papaano lasang kape pa rin naman.

Salamat sa libreng kape ng opisina, salamat sa araw na ito, kahit papaano natutunan kong gumawa ng sarili kong blog, madali lang pala! Akala ko mahirap gawin basta sumunod sa mga pamamaraan at ikaw ay makakagawa ng sarili mong tala-arawan. Wow! On-line na talaarawan, sosyal di ba? O hala iisip ako ng mga ililimbag ko sa aking blog. Sensya na ha first time ko pa lang, pipilitin kong makapag share ng mga bagay-bagay na makakatulong sa ating mga pang araw-araw na buhay.

Ginintuang kasabihan : "Ang bawa't simula, ay may kaakibat na katapusan!"

" Salamat po Diyos ko sa araw na ito, sa biyaya ng buhay, sa mga mahal ko sa buhay na kasama ko ay isang napalaking biyaya na handog mo sa amin, mahal kong Panginoon, salamat po!"

Amen!